Para mas matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia, isinusulong na baguhin ang bilateral labor agreement ng Pilipinas at KSA upang itulad sa kasunduan ng Pilipinas at Kuwait.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang naturang plano kasabay ng pag-uwi sa bansa ng mahigit 100 OFWs nabigyan ng exit visa ng Saudi Arabia.

Ang naturang mga OFW ay kinupkop muna sa Bahay-Kalinga sa Riyadh matapos silang umalis o tumakas sa kani-kanilang mga amo. Ang iba naman ay napaso o natapos na ang kontrata.

Wala man silang naipon o pasalubong sa kani-kanilang pamilya, masaya silang nakauwing buhay.

Sa kabila ng kanilang mga ngiti, bitbit nila ang ilang mapapait na karanasang sinapit sa kani-kanilang mga amo.

Si "Cory," isang domestic worker, hirap maglakad at may brace sa katawan nang makabalik sa Pilipinas. Nahulog kasi siya sa isang gusali habang tumatakas mula sa grupo ng mga lalaking nagtangka umano siyang ibugaw.

Pinutol daw ang kumot na ginamit niyang paraan para makababa mula sa ikatlong palapag na gusali nang dumaan siya sa bintana.

Ibinenta raw si Cory ng kaniyang orihinal na amo sa mga lalaki matapos siyang pagbintangang nakikipag-relasyon sa mister nito.

Si "Maria", 'di niya tunay na pangalan, sinaktan at ilang beses umanong minolestiya ng kaniyang employer kaya siya tumakas.

Hindi rin umano siya tinulungan ng kaniyang recruitment agency.

Upang mas matiyak ang kaligtasan ng mga OFW, sinabi ni Bello na pinoproseso na ngayon ang gagawing pagbabago sa kasalukuyang bilateral labor agreement ng Pilipinas at KSA.

Bumuo na umano ng technical working group ang Pilipinas at KSA para sa mga ilalagay na pagbabago sa labor agreement na kahalintulad ng memorandum of agreement sa Kuwait.

"Kailangang hawak nila (OFWs) yung passport, hawak nila yung cellphone, meron silang specific working hours, sleeping hours. Yung pagkain nila, yung hindi sila puwedeng ilipat nang walang pahintulot," ayon sa kalihim.

Nagbabala ni Bello sa mga recruitment agency na sususpendihin o kakanselahin ang kanilang lisensya kapag hindi nila natiyak ang kaligtasan ng mga OFW.

Inihayag naman ng isang grupo ng employment agencies na may mga ginagawa na silang pagbabago.-- FRJ, GMA News