Ang Kingdom of Saudi Arabia ang pangunahing destinasyon ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa labas ng Pilipinas. Ngunit kamakailan lamang, nagdesisyon ang kasalukuyang pamahalaan na limitahan ang pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa nabanggit na bansa dahil sa usapin ng pang-aabuso sa ating mga kababayan.

Sa isang episode ng "Stand For Truth," sinabing umabot sa 13,000 OFWs ang na-repatriate sa Pilipinas dahil sa pagkakaroon ng problema sa kani-kanilang mga employer.

Kabilang sa mga usaping ito ang pagmamaltrato sa mga OFW, pinagsasamantalahan, at hindi pinapasahod. Nagiging mabagal din umano ang pagtugon ng pamahalaan ng KSA sa ilang mga kaso.

Ito raw ang isa mga dahilan kaya iniutos ng Department of Labor and Employment (Dole) na limitahan na muna ang pagpapadala ng mga OFW.

Sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration, umabot sa halos 179,000 ang mga bagong OFW na nagtrabaho sa KSA noon 2017. Karagdagan sila sa halos 1 milyong OFW na nandoon na.

Kaya naman nananatiling pangunahing destinasyon ng mga OFW ang KSA, kasunod ng Kuwait at Hong Kong.

Ayon kay Bernard Olalia, POEA administrator, may mga Pinoy na nakauwi na pero hindi nakatatanggap ng kanilang mga suweldo kahit may desisyon nang bayaran sila.

Aabot daw sa mahigit P4.6 bilyon ang hindi pa nababayaran ng Saudi Arabia sa mga OFW.

Pero bukod sa isyu ng pang-aabuso at hindi pagpapasahod, nilimitahan din daw ng gobyerno ng Pilipinad ang pagpapadala ng mga OFW sa KSA dahil nagkukulang ang manpower sa ating bansa.

Kabilang daw sa mga uri ng manggagawa na nagkukulang na sa Pilipinas ay mga construction worker at electrical engineer, na kailangang-kailangan para sa Build, Build, Build Program ng pamahalaan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News