Tuwing kapaskuhan, iba't ibang tagpo ng mga pamilyang nagkakawalay at muling nabubuo ang nasasaksihan sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sinasalubong ng awiting Pilipino ang mga kababayan nating lumalapag sa NAIA mula sa ibat ibang bansa.
Makikita rin ang mga naghihintay nilang ang mga kaanak sa bawat lalabas sa arrival area. Masusundan naman ito ng mahigpit na yakap at matamis na halik sa kanilang pagtatagpo.
Ang OFW na si Lealyn Fernandez, na dalawang taon sa Hong Kong, hindi lang yakap at halik ang naging pasalubong ng kaniyang live in partner na si Rodolfo Sullivan, at dalawa nilang anak.
Sinorpresa pa siya ni Sullivan ng marriage proposal nang bigla itong lumuhod sa kaniyang harapan at maglabas ng singsing.
Kaagad namang tinanggap ni Fernandez ang alok na kasal ni Sullivan, na lalong magbubuklod sa kanila bilang isang pamilya.
"Salamat kasi hindi niya pinabayaaan mga anak namin," sabi ni Fernandez. "Tiwala lang din, tsaka mahal ko po siya."
Sabi naman ni Sullivan sa kaniyang mahal, "Tiwala lang sa isat isa. Kung ano... hindi pagkakaintindihan, pag-usapan. Mahal na mahal kita."
Kung maraming dumarating, marami rin ang umaalis. Sa terminal 3 ng paliparan, makikita ang pila ng mga pumapasok.
Hindi rin mawawala ang mga malulungkot na eksena ng iyakan ng pamilyang magkakawalay ng matagal dahil kailangang magtrabaho sa ibang bansa ang isang miyembro ng pamilya. --FRJ, GMA News
