Dalawang Filipinos sa abroad na nahawahan ng novel coronavirus ang bumubuti na ang lagay at “on their way to recovery,” ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ang mga Pinoy na tinutukoy ni Bello ay isang crew member ng British cruise ship na Diamond Princess na naka-angkla sa Yokohama, Japan, at ang isa pang pasyente na nasa United Arab Emirates.
“Naka-confine na doon [sa Japan] and then mukhang road to recovery so with iyong taga-Dubai, confirmed din na tinamaan siya ng coronavirus, pero again ang report ng aming labor attaché doon, road to recovery,” sabi ni Bello sa news briefing sa Malacañang nitong Lunes.
“In fact, they expect her to be released baka ngayon, because I received the report yesterday,” dagdag niya.
Gayunman, may apat pang Pinoy sailor na sakay ng British cruise ship ang nagpositibo sa novel coronavirus, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Lunes.
Dahil dito, limang Pinoy na ang ginagamot sa ospital sa Japan dahil sa naturang virus, ayon sa DFA. —FRJ, GMA News
