Matapos ang Taiwan, pinayagan na rin ng pamahalaan ng Pilipinas na umalis ng bansa ang mga overseas Filipino worker na patungong Hong Kong at Taiwan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing bukod sa mga OFW, papayagan ding umalis ang mga Pinoy na residente na sa dalawang nabanggit na lugar.

Naudlot ang pag-alis ng mga OFW at mga Pinoy na residente sa Hong Kong at Macau nang magpatupad ng travel ban ang Pilipinas bunsod ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Batay sa resolusyon ng Inter-Agency Task Torce on Emerging Infectious Diseases,
pinapayagan ding umalis ng Pilipinas ang mga Pilipinong mag-aaral sa nabanggit na mga lugar.

Gayunman, kailangan nilang dumaan sa proseso, gaya ng paglagda sa declaration na nauunawaan nila ang peligro sa gagawin nilang pagpunta sa Hong Kong at Macau.

Tiniyak naman ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, na hindi pababayaan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Pinoy na aalis.

Bago iyan, hiniling ng mga OFW at mga permanent resident na payagan silang makabalik sa Hong Kong at Macau dahil sa pangambang matanggal sila sa trabaho.

Napagkasunduan din ng task force na payagang makabalik na sa Pilipinas
ang mga Pinoy na galing sa Mainland China, Hong Kong at Macau.

Pero pag-uwi nila, dapat silang sumailalim sa 14-day quarantine. --FRJ, GMA News