Isang 34-anyos na Pinay ang ikatlong Filipino sa Singapore na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), Ministry of Health (MOH) ng naturang bansa nitong Lunes.

Sa website MOH, nakasaad na ang naturang Pinay migrant worker ang pang-108 kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.

Mayroon umanong Singapore Work Pass ang Pinay at walang recent travel history sa China o sa Daegu City at Cheongdo County sa South Korea, na pawang itinuturing hotspot ng virus.

Natuklasan naman ng MOH na una nang nagpositibo sa virus ang amo ng Pinay.

“She was confirmed to have COVID-19 infection on 2 March morning and is currently warded in an isolation room at Ng Teng Fong General Hospital,” ayon health ministry.

Una rito, inihayag ng ilang Pinoy na nagtatrabaho sa Singapore na hindi sila pinapayagan ng kanilang mga amo na mag-day-off dahil sa pangamba sa COVID-19.--FRJ, GMA News