Nadagdagan pa ang mga Pinoy na nasa abroad na nagkakasakit at nasasawi dahil sa COVID-19.

Sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules, sinabing 401 na ang bilang ng overseas Filipinos (OFs) na positibo sa naturang virus na mula sa 32 bansa at teritoryo.

Umakyat din sa 13 ang bilang ng mga nasawi, na pinakamarami ay mula sa Europe na nadagdagan ng apat para sa kabuuang bilang na 10.

Tig-isa naman ang nasawi sa Asia and Pacific, Middle East/Africa, at Americas.

 


Patuloy namang ginagamot ang 270 pasyente, at 118 naman ang gumaling at nakalabas na ng ospital.

2 pa Pinoy, nagpositibo sa COVID-19 sa Japan

Sa Japan, dalawa pang Pinoy ang nahawahan ng virus, ayon kay Philippine Ambassador Jose Laurel.

"Dalawa lang hong Pilipino ang tested positive. Ang isa ay nasa Osaka, ang isa ay nasa Nagoya," sabi ni Laurel sa virtual briefing.

Sinabi rin ni Laurel na isa na lang sa 80 Filipino na nagkaroon ng COVID-19 sa M/V Diamond Princess ang nananatili sa ospital sa Japan.

"Yung [mga] negative nakauwi na. 'Yung positive isa pa ang nasa ospital dahil  sinisigurong pag-discharge niya ay hindi makakahawa," anang embahador.

Hindi pa malinaw kung kasama sa listahang inilabas ng DFA ang dalawang Pinoy sa Japan na nagpositibo sa virus.--FRJ, GMA News