Nadagdagan ng pito ang bilang ng mga Overseas Filipino na nasawi dahil sa COVID-19. Dahil dito, umakyat na sa 21 ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa abroad na pumanaw dahil sa virus, at lumobo sa 466 ang mga positibo.

Sa inilabas na ulat ng Department of Foreign Affairs nitong Biyernes, sinabing nasa Amerika, Europe at Middle East/Africa ang nadagdag sa listahan ng mga pumanaw.

Apat sa mga bagong nasawi ang nasa Amerika (total 5), dalawa sa Europe (total 12) at isa naman ang nadagdag sa ME/Africa (total 3). Nananatili namang isa ang nakalistang nasawi sa Asia Pacific Region.

Mula sa 466 na bilang ng mga positibo sa virus nitong Huwebes, iniulat ng DFA na nadagdagan ito ng 18 kaso pa.

Samantala, nadagdagan naman ng walo ang listahan ng mga gumaling para sa kabuuang 129, at 316 pa ang nananatiling ginagamot at nagpapagaling.

"Discrepancies in figures reported in some regions are being addressed to ensure close monitoring of the status of Filipino nationals abroad," ayon sa pahayag.

Sa Pilipinas, umabot na sa 3,018 ang kaso ng COVID-19, habang 136 ang nasawi at 52 ang gumaling.--FRJ, GMA News