Dalawang panganib ang sinusuong ngayon ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Libya. Kahit kasi may krisis sa mundo dulot ng coronavirus disease 2019, tuloy din ang bakbakan ng tropa ng gobyerno at mga rebelde.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Philippine Embassy in Tripoli Chargé d' Affaires Elmer Cato, na palapit nang palapit ang labanan doon. Kamakailan nga lang ay inulan umano ng bomba ang bahagi ng Tripoli at ang isang international airport.

Sa mga video rin ng ilang residente sa Tripoli, madidinig sa kanilang mga bahay ang mga putok ng baril at mga pagsabog ng bomba.

Tinatayang mahigit 2,000 Pilipino umano ang nagtatrabaho sa Libya, na karamihan ay nurse, medical workers, at mga nasa oil and gas industry.

Bukod sa banta na mahawa ng COVID-19 ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga ospital, nasa panganib din ang kanilang buhay dahil hindi na rin ligtas ang mga pagamutan sa tama ng mga bomba.

Katunayan, may mga pagsabog na naganap malapit sa isang ospital na nakapinsala sa ward ng pagamutan, at nahagip din ang isang truck na may kargang mga gamot para sa COVID-19.

Sa ngayon, mayroon na umanong 20 katao sa Libya ang positibo sa virus at patuloy pa itong nadaragdagan.

"Ang mga ganitong kaganapan ay talagang nakakabahala. Worried po kami sa possibility na magkaroon po tayo ng casualties," sabi ni Cato

Dahil naman sa tigil umano ang produkyon ng langis sa naturang bansa, inaasahan na uuwi sa bansa ang mga Pinoy doon na nasa oil and gas sector.

Sa kabila nito, tiniyak ni Cato na mananatili sila sa Libya at tutulungang makalabas ng bansa o makauwi ng Pilipinas ang lahat ng Pinoy na nandoon na nais nang lumikas. --FRJ, GMA News