Ibinahagi ng isang Pinay nurse na frontliner sa isang ospital sa Italya ang hirap ng kanilang trabaho ngayon dahil sa sobrang dami ng pasyenteng tinatamaan ng COVID-19 sa kanilang lugar.
"Sa dami ng pasyente, 'di namin alam kung sino mas priority," saad ni Divina Guerrero sa Brigada Special Online Series nitong Huwebes.
"Lahat priority naman so hindi namin malaman kung saan namin ilalagay mga kamay namin," patuloy niya.
Taong 1992 nang maging nurse sa Italya si Divina, pero ngayon lang umano niya naranasan ang ganitong uri ng krisis at pagsubok.
Kabilang ang Italy sa mga bansa na mayroong pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa mundo.
Mahigit 180,000 na ang kaso ng virus sa nabanggit na bansa at mahigit 24,000 na ang nasasawi.
"'Yung tinira ng COVID-19 na ito sa pangkalahatan doon ay napaka-tragic," sabi ni Divina. "Karamihan noon ay nahihirapang huminga."
Bukod sa araw-araw na pag-asikaso sa mga pasyente, inihayag din ni Divina ang sakripisyo sa pagsusuot nila ng personal protective equipment (PPE) para hindi mahawahan ng virus.
"Napakainit sa katawan. Pagsuot mo palang papawisan ka na kaya araw-araw ang sauna namin dito," saad niya. "Pero walang kainan, walang ihian dahil nga doon pa lang sa pagbibihis pagtatanggal mo ng PPE [matagal na]."
Sa kabila ng dinadanas na hirap, walang pagsisisi si Divina na paglingkuran ang mga Italyano na itinuturing na rin niyang pamilya.
"Ramdam nating bilang Pilipino na parang pamilya mo 'yun. Hindi mo talaga sila maayawan," pahayag niya.
"'Yung mga pasyenteng lumalaban sa gitna ng kamatayan, doon ako humuhugot ng lakas," dagdag niya.
Hindi raw niya naisip noon ang maging bayaning frontliner.
"Pwede palang maging hero ang mga frontliner. Marunong din kaming maging matatag para sa mga taong nangangailangan," pahayag niya.
Tunghayan sa video ang pakikipaglaban ng ilang Pinoy frontliner na nasa ibang bansa kontra sa COVID-19.—FRJ, GMA News
