Nakatanggap ng pagkilala ang isang Pinoy sa Middle East dahil bukod sa isang pintor, hinangaan din siya sa mga ginagawa niyang obra sa buhangin o sand art sa Dubai.

Sa programang "Amazing Earth," inilahad ng Filipino na si Nathan Alapide na nagsimula siyang mag-sand art noong 2014.

Dahil wala pang drone noong mga panahong iyon, ginagamit niyang panukat ang mga hakbang o kung gaano kahaba ang mga kamay at braso ng kaniyang iguguhit.

"Tantiyahan na lang. All of these, gut feeling. And then iniisip ko na lang paano ang magiging itsura niya sa itaas," sabi ni Alapide.

"I think ito 'yung pinakagusto ko sa paggawa artwork sa labas o sa buhangin. Kasi it's a collaboration with nature. 'Pag collaboration with nature, exposed ka sa elements, sa hangin o kapag lumakas ang alon mawawala," dagdag pa ng Pinoy artist.

Hindi raw maiwasan na tapakan din ng ibang tao o liparin ang kaniyang mga obra, at nakasanayan na niya ito.

"I learned to accept all these things and to adapt to them, just letting go of the fear of it na mawawala o matatabunan o matatapakan... It's more about accepting that everything is in constant change," sabi ni Alapide.

Ginawaran si Alapide bilang 2018 Filipino of the Year Award ng Filipino Times Awards, at isa sa 300 Most Influential Filipinos in the Gulf ng Ilustrado Magazine.-- FRJ, GMA News