Iniulat ng National Nurses United (NNU) na mga Filipino ang mahigit 30 porsiyento ng registered nurses na nasawi sa Amerika dahil coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mga komplikasyon mula sa virus.

Sa naturang ulat nitong Setyembre, nakasaad na 213 ang mga nurse sa Amerika ang nasawi sa COVID-19, at 67 sa kanila o 31.5% ay mga Filipino.

“Filipinos make up four percent of registered nurses in the United States. More than half of registered nurses of color who have died to date have been Filipino (54.0 percent),” ayon sa ulat.

Kabilang sa mga Filipino nurses na nasawi sa COVID-19 ay kinilalang sina Arceli Buendia Ilagan, Celia Yap Banago, at Celia Marcos.

Inihayag din ng NNU na kapansin-pansin din ang mataas na banta ng virus sa Filipino-American community.

Sa artikulo ng Los Angeles Times, sinabi ng NNU na ang mga may “roots in the Philippines” ay binubuo ng nasa one-quarter ng Asian-Americans sa California.

Sa populasyon ng mga may dugong Asyano sa California, lumilitaw  na 35 porsiyento ng mga nasawi sa COVID-19 sa naturang estado ay Filipino-Americans.

Sa Southern California, 19 sa 38 Filipino-Americans na tinamaan ng virus ay nasawi.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 1,176,136 ang COVID-19 cases sa California, ang ikalawang estado sa Amerika na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 infections.—FRJ, GMA News