Sa halip na makauwi na sa kani-kanilang pamilya, kailangan munang sumailalim sa 14-day quarantine ang mga balikbayan na nanggaling sa United Kingdom dahil sa bagong patakaran dulot ng bagong strain ng coronavirus na natuklasan sa naturang bansa.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing dinala ang mga balikbayan sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Pampanga para sa kanilang quarantine na itinakda ng Inter-Agency Task Force.
Una rito, iniutos ng pamahalaan na suspindihin ang lahat ng flight mula sa UK papuntang Pilipinas dahil sa pangamba sa bagong SARS-CoV-2 variant na kumakalat sa Britanya.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang naturang suspensiyon ay ipinatupad simula December 24, 2020 ng 12:01 a.m. hanggang sa katapusan ng December 31, 2020.
Sa bagong patakaran, papayagan pa ang mga balikbayan na galing UK na makapasok pa sa bansa hanggang bagong sumapit ang 12:01 am ng December 24, 2020 pero kailangan nilang magpa-quarantine at magpa-swab test muli para matiyak na negatibo sila sa virus.
“They still have to undergo a mandatory 14-day quarantine, wala pong tawaran. Ang mga nakuha natin na pasahero, sila ‘yong inabutan na nasa ere na noong in-announce ‘yong travel ban kaya binigyan pa rin sila ng pagkakataon na makauwi,” ayon kay Lipad Corp. media relations officer Terri Flores.
Isa lang ang Pilipinas sa mahigit 40 bansa na nagpatupad ng temporary ban sa pagpasok ng mga pasahero na mula sa UK.--FRJ, GMA News

