Apektado ang sahod ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Libya dahil sa pasya ng Central Bank of Libya na ibaba ang halaga ng kanilang pera bilang bahagi ng programang ibangon ang bagsak nilang ekonomiya.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing halos 75 porsiyento ang ibinaba ng sahod ng Pinay nurse sa Libya na si Hazel Pureza dahil sa ginawang pag-devalued sa kanilang pera.

Nitong Enero 3, nasa 4.48 dinars ang katumbas ng US$1.  Mula iyan sa dating 1.4 dinars laban sa one US dollar.

Pero bukod sa bumaba ang halaga ng kanilang sahod, atrasado rin daw na natatanggap ng mga OFW ang kanilang sahod.

Ang pagbagsak ng ekonomiya ng Libya ay dulot ng nagaganap na civil war, na pinaglubha pa ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Pureza, limang buwan nang atrasado ang kanilang sahod.

Kaya naman napipilitan na raw siyang mangutang para may maipadala sa pag-aaral ng kaniyang anak na nasa Pilipinas.

Dumadaing din ang Pinay teacher na si Ma. Cristina Arboleda, sa paghina ng pera ng Libya, na dahilan para mabawasan din ang kanilang kita.

Pero sa kabila nito, hindi raw aalis sina Pureza at Arboleda sa Libya dahil naging maganda naman daw ang trato sa kanila ng kani-kanilang employer.

Bukod dito, tumatanaw din sila ng malaking utang na loob sa nabanggit na bansa dahil naging maganda ang kanilang kita noong hindi pa ibinababa ang halaga ng kanilang pera.

Ayon kay Charge D' Affaires Elmer Cato, ng Philippine Embassy sa Libya, umapela na sila sa pamahalaan ng Libya na huwag sanang isama ang sahod ng mga OFW sa ginawang pagbabawas sa halaga ng kanilang pera upang hindi maapektuhan ang kanilang kita.

Umaasa ang opisyal na ikokonsidera ito ng pamahalaan ng Libya dahil nananatili sa kanilang bansa ang mga OFW sa kabila ng mga krisis na kanilang kinaharap dulot ng mga digmaan at pandemya.

Sa ngayon, tinatayang nasa 2,000 na Pilipino ang nagtatrabaho Libya, na karamihan ay nasa health care sector.--FRJ, GMA News