Muling hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas na ipasa ang panukalang batas na magtatatag ng kagawaran na tutugon sa mga pangangailangan at kapakanan ng mga overseas Filipino worker.

"I also ask Congress to pass a law creating the Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos," saad ni Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address nitong Lunes.

"Kailangan po ito because they are suffering... with so many inadequacies both in our government response and including the monetary assistance," sabi ng pangulo.

Nakapasa na sa Kamara de Representantes ang naturang panukala, habang nakabinbin naman ito sa Senado.

Nitong Mayo, sinertipikahan ni Duterte na urgent bill ang paglikha ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.

Sa pamamagitan nito, maaaring ipasa ng Senado sa loob ng isang araw ang panukala para sa ikalawa at ikatlong pagbasa.

Sa sandaling maaprubahan ang panukala at maging ganap na batas na lilikha sa DMWOF, mapupunta rito ang kapangyarihan ng ilang ahensiya tulad ng:

-Philippine Overseas Employment Administration
-Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng Department of Foreign Affairs
-The Commission on Filipino Overseas
-Lahat ng Philippine Overseas Labor Offices na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment
- International Labor Affairs Bureau sa ilalim ng DOLE
-National Reintegration Center for OFWs na nasa ilalim ng Overseas Workers’ Welfare Administration
-The National Maritime Polytechnic sa ilalim ng DOLE
-International Social Services Office sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.

Ilang mambabatas ang may alinlangan na suportahan ang paggawa ng bagong kagawaran dahil sa paniwala na hindi nito malulutas ang mga problema ng Pinoy migrant workers.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Labor committee na dumidinig sa panukala, tatapusin nila ang deliberasyon sa plenaryo ng Senado sa darating na mga buwan.

"Tuloy-tuloy lang po tayo sa pagsulong at pag-aksyon sa Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos. Nasa plenaryo na po itong panukala, at handa po tayong talakayin ito. Bilang certified urgent measure, itong panukala po ay nasa prayoridad ng Senado," paliwanag niya. — FRJ, GMA News