Patuloy na tumataas umano ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Dubai, United Arab Emirates, na nais nang umuwi sa Pilipinas at sumailalim sa repatriation program ng pamahalaan, ayon kay Consul General Paul Raymund Cortes.
“Every day, we are getting requests. There are more and more people who want to go home,” ayon kay Cortes na nagsabing umaabot na sa 6,000 OFWs ang nagpalista na nais nang umuwi.
“The number increases exponentially far faster than we could process,” dagdag ng opisyal.
Pero dahil mayroon na ring local cases ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas, hinikayat ni Cortes na huwag munang bumalik ng bansa maliban na lang kung "talagang kailangan na kailangan na."
Ayon sa impormasyong nakuha mula sa konsulado, karamihan sa mga humihiling na makauwi na ay mga OFW na paso na employment contracts at mga kulang ang kasanayan at hindi makasabay sa digitalization at online restructuring sa mga negosyo.
Sa ngayon, nasa mahigit 54,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Samantala, umabot naman sa 119 ang Delta variant cases, kung saan 17 ang sinasabing nanggaling sa umuwing OFWs.
Ayon kay Cortes, nasa 2,500 OFWs na napauwi sa bansa mula nang simulan ang repatriation flights nitong Hunyo.
Mayroon umanong apat na flights na inaasahang maisasagawa sa susunod na buwan ng Agosto. —FRJ, GMA News

