Tagumpay ang isang anak na OFW na sorpresahin ang kaniyang mga magulang sa kaniyang pag-uwi makaraan na hindi siya makita ng mga ito sa loob ng tatlong taon.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabi ng OFW sa Japan na si Giovanni Canoog, na pinapauwi na siya ng kaniyang ina dahil nangangamba ang mga ito sa kaniyang kaligtasan dahil na rin sa nangyayaring pandemya.

Nag-aalala ang kaniyang ina na baka magkasakit siya at walang mag-aalaga sa kaniya.

Pero mas kinatatakutan nila na baka hindi na siya makati pang muli.

Kaya naman nang makauwi, nag-isip ng paraan si Giovanni kung papaano sosorpresahin ang kaniyang mga magulang.

Ang naisip niyang paraan, magkunwaring kostumer na bibili sa lechonan ng kaniyang pamilya.

Nagsuot si Giovanni ng facemask at shades, at unang pinuntahan ang ama na nagbabantay sa labas ng bahay.

Walang kamalay-malay ang ama na si Giovanni na ang nasa harap niya at sinamahan pang pumili ng lechon.

Dito na siya nag-alis ng face mask at shades kaya nakilala na siya ng ama. Kita sa malaking ngiti ng ama ang tuwa at niyakap ang kaniyang anak.

Sunod namang pinuntahan ni Giovanni ang ina na nakaupo sa harapan ng lamesa at nagpalista siya.

Nang tanungin ng ina ang kaniyang pangalan, nabigla ang ina sa nadinig dahil pangalan ng anak.

Kaya naman tiningnan niya ang inakalang kostumer at nang makita ang anak, hinatak niya ito at niyakap.

Panoorin ang nakaaantig na tagpo sa video.--FRJ, GMA News