Walang Pilipino na nasaktan sa nangyaring mga pagsabog sa labas ng Kabul airport sa Afghanistan nitong Huwebes, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ng DFA na ang impormasyon ay nagmula kay Philippine Ambassador to Pakistan Daniel Espiritu.

Inilagay ng DFA sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Afghanistan matapos itong masakop ng militanteng Taliban. Ibig sabihin, dapat lumikas na ang mga Pinoy na nandoon.

Nasa 185 Pilipino umano ang nakaalis na ng Afghanistan, habang mayroon pang 24 na OFWs ang naiwan. Sa nabanggit na bilang, 16 ang humiling na mailikas na rin sila.

Sa ulat ng Reuters, sinabing dalawang pagsabog ang naganap sa labas ng Kabul airport. Ang isang pagsabog ay nangyari sa gate.

Hindi pa tiyak kung ilan talaga ang mga nasawi at nasugatan pero sinabi ng Amerika na nasa 13 sundalo nila ang kabilang sa mga nasawi.

Sa Washington, nangako si President Joe Biden na papapanagutin nila ang nasa likod ng pag-atake, nangyari habang isinasagawa ang paglilikas sa kanilang mga kababayan na nasa Afghanistan, at maging iba pang nais makaalis ng naturang bansa.

"We will not forgive, we will not forget. We will hunt you down and make you pay," pangako ni Biden.

"I have also ordered my commanders to develop operational plans to strike ISIS-K assets, leadership and facilities. We will respond with force and precision at our time, at the place we choose and the moment of our choosing," ayon kay Biden. -- Reuters/FRJ, GMA News