Kung maraming overseas Filipino workers ang uuwi ngayon sa Pilipinas para magdiwang ng Pasko, mayroon ding aalis at mawawalay nang matagal sa kanilang mga mahal sa buhay.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, isa si Alvin Guinhawa sa mga OFW na masaya dahil makakasama niya ang pamilya ngayong Pasko.

Matapos bunuin ang facility based quarantine sa mga umuuwing OFWs, naka-home quarantine naman ngayon si Guinhawa na bahagi pa rin ng pag-iingat kontra COVID-19.

Ang mga anak ni Guinhawa, hanggang bati na muna sa labas ng kuwarto ang ginagawa sa kanilang ama na galing sa Brunei.

"Malapit na... konting intay na lang. Nakapagtiis nga ng ilang buwan e," sabi ni Guinhawa.

Hindi gaya ni Guinhawa, unang pagkakataon naman ni Ara Villaflor na mawawalay sa kaniyang anak dahil paalis siya para magtrabaho sa Saudi Arabia ng dalawang taon.

Ito ang unang pagkakataon na hindi niya makakasama ang anak sa Pasko.

"Masaya po na malungkot. Malungkot kasi dalawang taon ko po siya 'di makikita pero masaya kasi mabibigay ko ang pangangailangan niya," paliwanag ni Villaflor na kahit hindi nagpapakita ng luha ay wasak naman umano ang kaniyang kalooban.

Hindi naman napigilan ni Nikka Lumacad na maiyak dahil mawawalay din siya sa kaniyang asawa at mga anak ngayong kapaskuhan para magtrabaho sa ibang bansa.

"Para sa kanila itong ginawa ko para maano ko ang pangangailangan nila," anang OFW.

Ngayong kapaskuhan, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration na maaaring umabot sa 100,000 OFWs ang uuwi sa bansa ngayong Disyembre. --FRJ, GMA News