Isang kalye sa Woodside, Queens na may pangalang Roosevelt Avenue ang tatawagin na ring “Little Manila Avenue” bilang pagkilala sa Filipino community, ayon sa isang miyembro ng New York City Council.

Nitong Martes (US time), inaprubahan ng NYC Council committee on parks and recreation sa botong 15-0 ang pagtawag sa naturang kalye para sa dalawang pangalan.

Inaasahan na isasapinal ang botohan sa Miyerkules para opisyal nang tawagin ang naturang kalye na "Roosevelt Avenue" at “Little Manila Avenue,” na kapanulukan ng 70th Street.

Ipinagmamalaki naman ni Jimmy Van Bramer, New York City Council member para sa 26th district ng Queens, na isinulong niya ang pagtawag din sa kalye na "Little Manila."

“The #Filipino community in #Woodside and beyond deserve this recognition. Proud to have sponsored this street co-naming. ‘Little Manila Avenue’ becomes official tomorrow,” sabi ni Bramer sa Twitter post.

Una rito, inilunsad ng ilang residente sa lugar ang petisyon sa Change.org para maglagay ng street sign na “Little Manila Avenue” sa naturang panulukan ng 70th Street sa Southwest corner sa Woodside, Queens, New York City.

Ipinaliwanag sa petisyon na ang “Little Manila” ay paraan ng Filipino community para manatiling konektado sa kanilang mga mahal sa buhay sa loob at labas ng bansa.

“The street co-naming will bring visibility to the Philippine community’s contributions to New York City. There are no records of 'Little Manila' elsewhere in NYC and this would make it the first,” nakasaad sa petisyon.

“Our hope is that Little Manila will be recognized as more than an ethnic enclave that adds to the diversity of the borough and the city, but home to a community who has been an integral part of the care and thrivance of fellow New Yorkers,” patuloy nito.

Umabot na sa 3,175 ang nakapirma sa petisyon.—FRJ, GMA News