Naunsiyami ang pag-alis sa bansa ng pitong overseas Filipino workers (OFWs) matapos silang magpositibo sa COVID-19 ilang oras bago ang kanilang biyahe.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ngayong hapon dapat ang alis ng pitong OFWs at papasok na sana sila sa departure area nang lumabas ang resulta ng kanilang COVID-19 test, at lumitaw na positibo sila sa virus.

Kaya sa halip na sa eroplano, sa service vehicle ng NAIA isinakay ang pitong OFWs. Dinala sila sa holding area habang nakikipag-ugnayan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan para sa kanilang magiging isolation facilities.

Mahigpit ang patakaran ng paliparan sa mga bibiyahe at hinahapan ang mga pasahero ng negative result ng COVID-19 test.

Ang isang bibiyahe na patungong Germany, hindi pinayagang makasakay dahil wala siyang dalang RT-PCR test. Ito ay kahit pa sinabi ng pasahero na fully vaccinated na siya at hindi naman umano naghahanap ng RT-PCR test ang bansa na kaniyang pupuntahan.

Kaya ang ibang OFWs na papaalis, kinakabahan habang naghihintay ng resulta ng swab test na ipapadala ng kanilang agency. Dito kasi malaman kung tuluyang silang makakapagtrabaho sa ibang bansa.--FRJ, GMA News