Inihayag ng isang opisyal ng Bureau of Quarantine (BOQ) na dalawa pang Filipino na nanggaling sa abroad ang nahaharap sa kaso dahil sa paglabag sa quarantine protocol ng bansa.
Ayon kay BOQ deputy director Dr. Robert Salvador, isa sa mga ito ay gumamit ng pekeng quarantine certificate.
"May pending pa po na dalawa pa na fa-file-an na mga nag-break po ng quarantine protocol, nandaya ng quarantine certificate so inaayos na po namin ang paperwork bago ipasa sa NBI (National Bureau of Investigation)," pahayag ni Salvador sa panayam sa radyo.
Ayon kay Salvador, naisampa na ng BOQ ang mga reklamo laban sa dalawang returning overseas Filipinos (ROFs) na lumabag sa quarantine protocols, kabilang si Gwyneth Chua, ang binansagang "Poblacion Girl."
"Pinaigting na namin ang pagbabantay... Nakipag-partner na kami sa NBI kaya lahat ng magbe-break ng quarantine protocol, siguradong makakasuhan," ani Salvador.
—FRJ, GMA News

