Nakarating sa Belgium ang Pinoy 'dirty' ice cream na sorbetes at isang Belgian chef ang naglalako nito sa mga kalsada doon. Paano nga ba ito nangyari? Alamin.
Sa programang "Unang Hirit," sinabing dating pastry chef ang Belgian na si Jelle Bories bago niya pinasok ang sorbetes business at maging "mamang sorbetero."
"We try to introduce new flavors of ice cream, good combinations. I think Pinoy flavors try to mix flavors with each other like salty and sweet, sour-sweet. We have Durian, we have guyabano, we have Filipino mango, we have ube, halo-halo," sabi ni Jelle.
"The Belgians are really surprised by the flavor of ube," dagdag pa niya.
Ngunit bago nahumaling si Jelle sa sorbetes, una siyang nahumaling at umibig sa isang Pinay nurse sa Belgium na si Kamille Rodriguez-Bories.
Hinikayat ni Kamille si Jelle na gumawa ng Pinoy-flavored ice cream, at doon na nagsimula ang negosyo nilang sorbetes.
"I asked him to make me a Filipino-inspired ice cream. At first ang pinakaunang ginawa po namin is durian, and nagustuhan ko naman," ayon kay Kamille.
"And then after noon nag-request ako ng ube, and then nag-request ako ng mangga. Happy ako nain-adapt niya para ma-promote rin ang ating Filipino culture and tradition sa mga kababayan niya ritong Belgian," patuloy niya.
Kuwento nina Jelle at Kamille, nagsimula ang matamis nilang pag-iibigan nang magkakilala sila sa isang dating website.
"One of my friends urged me to join a dating website and that's when I met my husband Jelle," sabi ni Kamille.
"I was lucky to find Kamille in a dating website. We are a good match," ayon naman kay Jelle.
Kaya matapos simulan ang kanilang sorbetes business noong 2019, pumatok na ito hindi lamang sa mga Pinoy kundi pati na rin sa mga Belgian.
Matitikman na ang quality sorbetes ni "Manong" Jelle sa halagang walong euros o P460 kada tub.
Ano nga ba ang ingredients ni Manong Jelle sa kaniyang sikat na ube sorbetes? Panoorin sa video.
--FRJ, GMA News
