Patay ang isang rider, habang kritikal naman ang kaniyang angkas nang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang truck sa Iguig, Cagayan.
Ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, hindi na umabot ng nang buhay sa ospital ang 36-anyos na biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng mga biktima ang national highway sa Barangay Bayo nang mangyari ang insidente.
"He's about to overtake tsaka iiwasan niya itong checkpoint sa Tuguegarao," ayon kay Police Staff Sergeant Fernan Burac, imbestigador sa Iguig Police Station.
Ayon sa driver ng truck, pagewang-gewang umano ang takbo ng motorsiklo bago pa ito sumalpok sa kaniya.
Nakahinto na raw ang kaniyang truck pero bumangga pa rin sa kaniyang ang mga biktima na parehong residente sa bayan ng Solana.
Nasa kostudiya ng pulisya ang driver at sinampahan ng reklamo ng pamilya ng mga biktima.
--FRJ, GMA News
