Nakaisip ng ibang pakulo ang isang babaeng OFW kung papaano niya sosorpresahin sa kaniyang pag-uwi ang kaniyang pamilya, lalo na ang pinakamamahal niyang ina.

May OFW na umuwi na nagpanggap na waiter para sorpresahin ang mga anak, o kaya naman ay kunwaring magtatanong lang para gulatin ang mga magulang.

Sa video ng "GMA News Feed," isang babaeng OFW na tatlong taon nang hindi nakakauwi ng bansa ang nagpanggap na makikikain sa handa ng kaniyang mga kaanak na nasa beach outing sa Palawan.

Napatingin sa OFW na si Manilyn Cortez, na mula sa Kuwait, ang mga kaanak niya nang lumapit siya sa lamesa at nagtanong kung puwedeng makikain.

Hindi nila kaagad nakilala si Manilyn dahil may bandana siya sa ulo, naka-shades, at face mask.

Tiningnan pa niya ang mga nakahandang pagkain, at unusisa pa ang alak na dala-dala nila.

Kaya naman may napatanong na kung sino siya.

Pero isang bata ang kaagad na nakakilala sa kaniya. Ang kaniya namang ina na si Margarita ay hindi kaagad naniwala.

Kaya nilapitan muna niya ang estranghera sa kanilang outing at inalis ang takip sa mukha nito.

Nang makita niya ang anak, kaagad niya itong niyakap ng mahigpit.

“Siyempre nando’n yung sabik ng magulang at anak sa isa’t-isa. Sobrang masarap talaga sa pakiramdam,” sabi ng OFW.

Kuwento pa ni Manilyn, "Sobrang mahirap po talaga na mag-travel. So na-expect na nila na hindi talaga ako makakauwi.  Sobrang malungkot po talaga sila that time.

Sadya raw plinano ni Manilyn na isorpresa ang kaniyang ina na magdiriwang ng kaarawan kaya ang pag-uwi niya ang kaniyang pinaka-regalo.

Mensahe naman niya sa mga kapuwa-OFW, "Lakasan lang natin ang loob natin. Lagi tayong magdasal sa Panginoon. Darating din ang time na makakasama natin ang pamilya natin nang buo.”

“Darating din yung time na ’di na natin kailangan umalis paibang bansa para lang mabuhay ang pamilya,” dagdag pa niya.

--FRJ, GMA News