Kung dating P10,000 a month ang sahod noong nagtatrabaho siya sa Pilipinas, ngayon, P10,000 a day na ang kinita ng isang Pinoy na nagtatrabahong insulation installer sa New Zealand.

Sa programang "iJuander," sinabi ng tubong-Mindoro na si Darryl Ebora, 35-anyos, na apat na bansa na ang napuntahan niya sa anim na taon na pagiging OFW.

Ngayon, nasa New Zealand si Ebora at nagtatrabaho bilang insulation installer at team leader.

Sumusuot o pumapasok si Ebora sa mga kisame at under floor ng mga bahay para ilagay ang insulation upang hindi basta-basta makakapasok ang lamig at init.

Sa pagkaraniwang araw, tatlong bahay ang kinakabitan nila ng insulation, at tumatagal ang trabaho nila ng nasa apat na oras ang bawat isang bahay o aabot sa 12 oras.

Hindi umano bumababa sa 5,000 New Zealand dollars ang kita ni Ebora o P180,000 kada buwan.

Malaki man ang kita, may kaakibat na peligro naman ang trabaho sa kalusugan at kaligtasan niya.

Bilang proteksiyon, kailangan ni Ebora na magsuot ng protective suit na mainit sa katawan, mask at gloves.

Bagaman insulation installer din ang trabaho niya sa ibang bansa na kaniyang pinuntahan, sa New Zealand daw naranasan ni Ebora ang pinakamatinding hirap.

Gayunman, tiniis niya ang hirap hanggang sa masanay na rin at ngayon ay magdadalawang taon na siya sa trabaho.

Bukod sa peligro sa kalusugan ng dust particles na maaaring masinghot, muntik na rin daw makuryente si Ebora.

"Paghiwa ko sa part ng insulation biglang lumiwanag yung buong cieling, tapos nangamoy welding. Buti na lang may ano ako, rubber gloves and nakahawak ako sa plastic part nung knife kaya yun buhay pa," natatawa niyang kuwento.

Tunghayan ang buong kuwento ni Ebora sa video ng "IJuander." --FRJ, GMA News