Isang barangay sa Moalboal, Cebu sa tinawag na "Barangay Expat" dahil sa dami ng mga dayuhan na naninirahan. Pero hindi lang payapang buhay ang mga natagpuan doon ng mga dayuhan--kundi pati pag-ibig.

Ayon kay Cirilo Tapales, kapitan ng barangay Basdiot sa Moalboal, nasa 6,800 ang populasyon ng kanilang barangay. Pero 20 porsiyento umano nito ay mga dayuhan at ang iba ay doon na nakapag-asawa.

Ang dahilan kung bakit nahuhumaling ang mga dayuhan sa lugar, ang tahimik ang lugar, magandang panahon, magandang beach, at mababait na mga tao.

Ang German national na si Andy, 59-anyos, bakasyon lang noong una ang pakay niya sa pagpunta sa Moalboal noong 2016.

Pero nakilala niya ang Filipino trans woman na si Marwin, na nagpatibok ng kaniyang puso.

“Actually, hindi ako masyadong kumain, pa-char-char lang,” sabi ni Marwin nang una silang magkita ni Andy sa isang restaurant. “Lagi siyang nakatingin. Akala ko na lalapit siya sa akin.”

Hindi man lumapit sa kaniya ang mahiyain noon na si Andy, nag-iwan si Marwin ng kaniyang telephone number sa papel.

“Mga after 2 minutes, tumawag siya! Sobrang saya ko,” ani Marwin. “That night, sinabi ko siya na, ‘Actually I'm not a girl.’ Sabi niya, ‘I know. I accept you.’”

Dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad, may mga pumupuna sa dalawa. Pero hindi sila nagpatinag at nagpakasal sa same-sex union sa Germany nitong nakaraang Enero.

“It took a very long time because of the pandemic. It was the best feeling I ever had in my life,” ani Andy. “I have to treasure it because nowadays it's really hard to find someone to love you unconditionally.”

May mga dayuhan din na nagtayo doon ng negosyo. Tulad ni Mark, isang French-Canadian, na may Pinay girlfriend na si Lileth.

Nagkakilala ang dalawa sa isang common friend. Ngayon, mayroon na silang isang anak na si Malcolm.

Ang hilig naman sa diving ang naging daan para mahulog sa isa't isa sina JP, isang Belgian national, at ang Pinay na si Dyna.

Diving instructor si JP, na nagtungo sa Moalboal para makita sa ilalim ng dagat ang sikat na "Sardine Run."

Hanggang sa makilala ni JP sa Facebook group si si Dyna na isang freediver.

“I'm scared of having a relationship again. But my friends also told me to try and give him a chance,” ani Dyna na mayroong isang anak sa dating karelasyon.

Pero hindi naging hadlang ang nakaraan ni Dyna para hindi siya mahalin ni JP.

“At the beginning, it was just a friendship. Just want to share the same passion. And then, we have some connection and it was kind of natural,” ani JP.

“You are the woman of my life. You are my sunshine. Mahal na mahal kita, Baby,” sabi pa ni JP.

—FRJ, GMA News