Isang Pinay overseas Filipino worker na galing sa Kuwait ang biglang napaanak habang nasa eroplano at bumibiyahe pauwi ng Pilipinas.

Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing mabuti na lang at may kapuwa pasahero ang OFW na mag-asawang nurse na Pinoy din na tumulong sa kaniya na manganak.

Nangyari umano ang insidente noong Agosto 2, at pauwi sa Davao City para magbakasyon ang mag-asawang nurse na sina Sheryl at Ruel Pascua.

Maselan umano ang kalagayan ng sanggol nang iluwal dahil premature ito.

Dahil kulang din ang gamit sa eroplano para sa insidente ng biglang may manganganak, gumawa lang daw ng paraan ang mag-asawa para ligtas na mailuwal ang bata.

Hindi na nag-atubiling kumilos ang mag-asawa nang malaman nilang nakalabas na ang ulo ng sanggol.

Pagkalapag ng eroplano sa Maynila, kaagad na dinala sa ospital ang mag-ina, na ayon sa ulat ay maayos na ang kalagayan.

Itinuturing ni Sheryl na miracle baby ang sanggol, at nagpasalamat sila sa Diyos na ginamit silang instrumento para matulungan ang mag-ina sa loob ng ilang oras nilang biyahe sa eroplano.--FRJ, GMA News