Nag-viral kamakailan online si Matet De Leon matapos magbahagi ng isang makahulugang mensahe sa kaniyang social media account na may kaugnayan sa mana.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ng aktres ang larawan nila ng kaniyang mga kapatid na sina Lotlot de Leon, Kenneth de Leon, at Kiko de Leon, na pawang inampon ng yumaong aktres na si Nora Aunor.

"Post ko lang uli. Ito nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?" saad niya sa caption.

Sa kaniyang panayam sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Huwebes, nilinaw ni Matet na para sa mga basher ang naturang post.

“Eh, 'yun naman po 'yung sinasabi ng mga tao eh. Na ‘wala kayong mana. Wala kayong karapatan pamanahan.’ Laging gano'n. ‘Mabuti nga ano eh, parang mabuti nga inampon pa kayo eh. Eh, 'yung oras para kay Ian binigay pa sa inyo. Kaagaw na kayo ni Ian buong buhay niya. Maging masaya na kayo na binihisan at pinag-aral kayo, pinakain kayo,’” ayon kay Matet.

“So, doon po, parang kumulo ako. As if we're not thankful, we're grateful to her. I'm here with you, talking to you, Tito Boy, because of my mom,” dagdag niya.

Humiling din si Matet ng respeto dahil nagluluksa pa sila sa pagpanaw ng kanilang ina.

“Lagi kami inaano ng tao ng mana, mana, mana. Hindi na nila inisip na hindi naman isang taon ang pagluluksa. Hindi po one year 'yan. Tuloy-tuloy. Respetuhin niyo naman kami kasi inaalala pa namin si Mommy,” saad ni Matet.

“Hindi po namin iniisip 'yung mana na 'yan and wala kaming hinihingi, wala kaming kine-claim,” dagdag niya.

Hiniling din niya sa publiko na respetuhin hindi lamang siya kundi pati ang iba pa niyang kapatid na ampon, na tinatawag umanong “call boy” ng ilang netizen.

“Please respect us. Not just me, but my brothers too. Because tinawag na kaming call boy, call girl. Kung hindi kayo kinuha ni Nora Aunor, malamang call girl, call boy. I don’t think mommy would be happy kung buhay siya na nalalaman niya na sinasabi niya 'yan,” patuloy ni Matet.

“Ako, okay lang ako. Kasi dito, okay lang. But my brothers, hindi po artist ang mga kapatid ko. At ikaw lumalaban. Pero still, that doesn't give permission to anyone na tawagin kami ng kung ano-ano,” dagdag niya.

Sa parehong panayam, sinabi ni Matet na bagama’t maraming ari-arian ang naiwan ni Nora, wala siyang alam tungkol sa anumang last will and testament nito.

“Iyon pong mga properties, madami po talaga. Kasi mga in-invest po nila ni lola. But 'yung last will, hindi ko po alam kung mayroon. And hindi ko na po inaalam,” aniya.

Pumanaw si Nora Aunor noong Abril 16, 2025 sa edad na 71. Ayon kay Ian de Leon, ang nag-iisang biological child ng aktres, pumanaw ang kaniyang ina dahil sa acute respiratory failure.

Tinaguriang “Superstar,” hinirang si Nora bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022. Sumikat siya sa kaniyang mga iconic role sa mga pelikulang Himala, Bona, at Minsa'y Isang Gamu-gamo.

Kabilang sa kaniyang mga huling pelikula niya ang Mananambal kasama si Bianca Umali, at Pieta kasama si Alfred Vargas.

In 2024, she appeared in the GMA Afternoon Prime series "Lilet Matias: Attorney-at-Law," starring alongside Jo Berry. The two of them previously worked together in the 2018 Kapuso series "Onanay."

Napanood din siya sa mga teleserye sa GMA gaya ng Lilet Matias: Attorney-at-Law kasama si Jo Berry noong 2024, at Onanay noong 2018.

Ikinasal si Nora kay Christopher de Leon noong 1975, at naging anak nila si Ian. Naghiwalay sila at napawalang-bisa ang kanilang kasal noong 1996.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA News