Inoobserbahan sa ospital ang isang 71-anyos na Filipina matapos siyang atakihin at pagnakawan umano sa labas ng isang fastfood joint sa California, USA.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ng stepson ng biktima na kalalabas lang ng ginang sa kainan nang biglang sumulpot ang salarin at inagaw ang bag nito.

Hinampas din ng matigas na bagay sa ulo ang biktima.

Tumakas ang salarin gamit ang kotse.

Isinugod naman sa ospital ang biktima at minomonitor ang kaniyang kondisyon dahil nakararanas umano ng pagdurugo sa utak niya.

Tumanggi na muna ang mga awtoridad na magkomento sa kaso. Pero nakakuha na raw sila ng security footage sa lugar kung saan nangyari ang pag-atake.—FRJ, GMA News