Dahil sa kaniyang husay sa paggugupit, marami ang kliyente ng isang 18-anyos na Pilipinong barbero sa Canada. Kabilang sa mga ginugupitan niya ay mga milyonaryo at bigating personalidad, na kung minsan ay pinapasundo pa siya gamit ang helicopter.

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Oscar Oida, sinabing apat na taong gulang pa lamang nang magsimulang mahilig sa paggupit ng buhok si Jamiel Bustos, mula sa Toronto.

Apat na taong gulang lang din siya noon nang lumipad ang kaniyang pamilya sa Canada para mabigyan siya ng panibagong oportunidad.

Ayon sa ina ni Jamiel na si Leslie, sadyang pihikan si Jamiel pagdating sa kaniyang gupit.

"Every now and then na magpapagupit, 'Mom I wanna try another one, I didn't like my haircut before.' So hanap na naman ako. Sabi niya kasi ang hair ang nagbibigay ng ganda sa isang tao. Siguro nandoon 'yung interes niya sa ganu'n," sabi ni Leslie.

Isang araw, naisipan ni Jamiel na siya na lang ang gumawa ng gusto niyang hairstyle sa sarili.

"I love getting my haircut. I would get my haircut once a week. So I was like 'You know what, might as well try this one on my own.' So I started cutting my own hair," anang binata.

Hanggang sa madiskubre ni Jamiel na may talento siya sa paggugupit ng buhok.

"It felt amazing finally having someone sit in the chair and actually trusting me. It's all about trust and it's all about, it's your image right? You want to look as best as possible and the person doing your hair is pretty much in control of that."

Kaya pagkatapos ng eskuwela o basketball practice, pupunta si Jamiel sa barbershop at maggugupit ng buhok, o manonood ng mga barbero na maggugupit ng buhok.

Ibinida ni Jamiel ang kaniyang haircutting videos sa Tiktok, at kinaaliwan ito ng napakaraming netizens.

Sunod na ring napansin si Jamiel ng bigatig personalities sa Canada, at nagkaroon ng mga customer na negosyante, abogado, real estate developers at CEOs ng kumpanya.

Ang isa sa kaniyang bigating kliyente, pinasusundo pa siya gamit ang helicopter.

Dala ang kaniyang gold briefcase na naglalaman ng kaniyang mga kagamitan sa paggugupit, nakarating na si Jamiel sa iba't ibang bansa para sa mga bigating kliyente.

"When I first started cutting hair I've had some people not pay for their haircut, I've had some people that complained. I just use the haters as motivation. I just I kept doing it, I kept practicing," sabi ni Jamiel.

Exclusive muna sa kasalukuyan ang serbisyo ni Jamiel pero plano niyang magtayo ng barbershop sa hinaharap.--FRJ, GMA News