Aabot na umano sa mahigit P35,000 ang buwanang sahod ng Filipino domestic workers sa Hong Kong, ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng implementasyon ng Hong Kong na dagdagan ang sahod ng foreign domestic workers sa teritoryo na katumbas ng P750.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na umaabot na sa HK$4,730 ang buwanang sahod ng Filipino domestic workers sa Hong Kong, o katumbas ng P35,475.
Nitong Setyembre, inansyo ng Hong Kong government na itataas nito ang minimum allowable wage at food allowance ng mga foreign domestic worker.
“The increase in pay comes after a two-year wage freeze in HK due to the COVID-19 pandemic. At this time of rising prices due to a stronger US dollar, this new minimum wage hike is a boon to our kasambahays in HK,” ayon kay Ople.
Ayon pa sa DMW, ang wage hike ay nagsimulang ipatupad nitong October 1. Ang dating sahod ng mga kasambahay ay nasa HK$4,630 o P34,725 na ipinatupad noong September 2019.
Samantala, ang bagong minimum food allowance na HK$1,196 o P8,970 ay mas mataas ng HK$23 kumpara sa dating HK$1,173 o P8,797.
Ipinaliwanag ng DMW na ang food allowance ay ibinibigay sa mga domestic worker na hindi nakatira sa kanilang mga amo.
Batay sa datos ng Hong Kong Immigration Department, sinabi ng DMW na mayroong 188,171 na OFWs sa Hong Kong hanggang nitong katapusan ng Agosto 2022.
Kumakatawan ito sa mahigit kalahati ng kabuuang 333,000 migrant domestic worker labor force ng Hong Kong. — FRJ, GMA News
