Pinayuhan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga overseas Filipino worker (OFW) na makipag-ugnayan lamang sa mga lehitimong consolidators para makaiwas sa mga manloloko sa pagpapapadala ng kanilang mga balikbayan box lalo na ngayong panahon ng kapaskuhan.
Sa public briefing nitong Biyernes, pinaalalahanan ni BOC spokesperson and Customs Operations Chief Arnaldo Dela Torre Jr. ang mga OFW, lalo na ang nasa Middle East, na suriing mabuti kung lehitimo ang consolidators na kanilang kausap bago makipagtransaksyon.
“Maaari po sana ay siguraduhin ninyo po sa ating mga kababayan na nasa Middle East lalo na po, siguraduhin po na lehitimo yung makaka-transaction nilang consolidators upang maiwasan na po natin mabiktima ng mga kumakalat na schemes na ito,” pahayag ni Dela Torre.
“Puwede nating maipayo sa ating mga kababayan is para masiguro na yung kompanya na yung consolidators na ia-avail ang kanilang serbisyo ay kailangan may good standing. Kung ito po ay mga bago pa lang na consolidators or kahit mga limang taon na po nagseserbisyo o ginagamit ang consolidation niya. Dapat mas maingat po na pag-aralan kung ito ba ay lehitimo,” dagdag pa niya.
Tiniyak din niya na handa ang BOC sa pagdagsa ng mga bagahe ngayong holiday season.
Ayon kay Dela Torre, kabilang sa mga iregularidad na ginagawa ng ilang freight forwarders ay pagsingil ng bayad sa mga OFW, pero hindi sila magbibigay ng pambayad sa kanilang partner de-consolidators sa Pilipinas upang maiproseso ang paglabas ng bagahe, at bayad sa BOC sa balikbayan boxes.
“So yung consolidator abroad meron silang partner sa Pilipinas na tinatawag na de-consolidator. So kung ito po ay walang pondo na maibigay sa de-consolidator para bayaran ang proseso ng pag release, pagdeliver, at pagbayad sa BOC, ‘yun pong mga balikbayan boxes na ‘yan ay dahilan po upang maideklara ng BOC na abandon ang mga balikbayan boxes,” paliwanag ng opisyal.
“So yung mga de-consolidator na partner dito dahil wala silang pondo na maibayad sa BOC, nag-o-overstay po siya at naabandon sa ating mga yarda,” dagdag ni Dela Torre.
Ayon kay Dela Torre, ang mga ganitong consolidators na magpapabaya sa mga balikbayan box ng OFWs ay maaaring isumbong sa official website ng BOC o itawag sa 8705-6000.
Nitong nakaraang Hulyo, nasa 200 OFWs sa United Arab Emirates (UAE) ang nagsampa ng reklamo laban sa isang forwarding company na nabigo umanong maipadala sa Pilipinas ang kanilang mga balikbayan box.
Libu-libong balikbayan boxes din ng mga OFW na nagmula sa Middle East ang inabandona ng kanilang foreign courier services sa BOC.
Nagtulungan naman ang BOC at local delivery services para maibigay ang mga kahon sa mga pinadalhan ng OFWs nang libre.— FRJ, GMA News
