Kinagiliwan sa social media ang video ng isang babaeng overseas Filipino worker na nagtago sa loob ng balikbayan box para sorpresahin ang kaniyang mga magulang na apat na taon na niyang hindi nakikita.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galban sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, makikita sa viral video ang excitement ng mag-asawang Mamangun na mabuksan ang balikbayan box para makita ang inakalang mga gamit na pasalubong ng kanilang anak na OFW. 

Pero nagulat ang mag-asawa at naging emosyonal nang makita na ang mismong anak nila ang nasa loob ng kahon.

“Kaya nang pagbukas ng kahon, nakakaluwag-luwag na ang pakiramdam, siya nga, surprise. Hindi mo talaga alam kung anong mararamdaman mo kapag ganoon eh. Kaya naiyak na lang ako siyempre sa tagal na hindi ko siya nakikita. Isipin mo four years. Dalawa lang anak namin, lalaki at babae tapos bunso pa siya,” pahayag ng ginang na si Rowenna.

Taong 2018 nang magtrabaho sa Dubai si Anne Gellie. Dapat sana ay sa October 19 pa ang uwi niya sa Pampanga para dumalo sa 60th birthday ng kaniyang nanay. Pero inagahan na niya ang flight pauwi ng Pilipinas.

Dito niya na rin kinausap ang mga kamag-anak para sa nasabing sorpresa.

Inabot din ng limang minuto si Anne Gellie sa loob ng kahon.

Pero ayon kay Ann Gellie, sulit naman daw ang kanyan ginawa lalo na nang makita niya ang reaksyon ng kanyang mga magulang.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News