Dinakip ng mga awtoridad sa isang entrapment operation sa Batangas ang isang security guard na nananakot umano sa dati niyang nobya na overseas contract worker (OFW) na ikakalat ang maselan nitong mga larawan kapag hindi nagpadala ng pera. Ang suspek, itinanggi ang paratang.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Romel Prane, 32-anyos, mula sa Lobo, Batangas.
Inaresto si Prane sa pamamagitan ng entrapment operation sa Lipa City sa Batangas. Nakuha sa kaniya ang mark money na P1,000, at cellphone na umano'y nakalagay ang maselang mga larawan ng biktimang OFW sa Kuwait.
Ayon sa pulisya, nagbabanta umano ang suspek sa biktima na ipakakalat ang maselan nitong mga larawan kapag hindi nagpadala ng pera.
Dahil dito, humingi ng tulong ang kapatid ng biktima sa pulisya, at inilatag ang entrapment operation laban sa suspek.
Sa piitan, tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang suspek, pero mariin niyang itinanggi ang paratang laban sa kaniya.
Iginiit niya na maayos umano ang ugnayan nila ng dating kasintahan bago nangyari ang insidente.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News
