Matapos ang ilang taong pagsisikap sa United Arab Emirates (UAE), nagpasya ang magkapatid na overseas Filipino workers na itayo na ang magkatabi nilang dream house sa Batangas. Ang problema, sa maling lote naitayo ang bahay. Ano na ang mangyayari?

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," inilahad ng OFW na si Marilyn Ramos, na dalawa sila ng kaniyang kapatid na OFW din ang kumuha ng magkatabing lote sa isang subdibisyon sa Batangas na tig-96 square meters ang sukat.

Matapos makapag-ipon pagkaraan ng 10 taon, nagkasundo ang magkapatid na patayuan na ng bahay ang kanilang mga lote. Dahil hindi na umano makita ang mohon o marker ng sukat ng mga lote, kumuha sila ng geodetic engineer na inirekomenda mismo ng developer ng subdbisyon upang matukoy kung nasaan ang kanilang mga lote.

Dahil nasa UEA sila, ang isa pa nilang kapatid na nasa Pilipinas ang inatasan nilang mamahala sa mga kailangang gawin sa ipatatayo nilang bahay. Isa kamag-anak din nila ang kasama sa paggawa ng mga bahay.

Nang matukoy na umano ang kanilang lote, ipinaalam nila ito sa developer para makatiyak na tama ang lote na pagtatayuan ng kanilang bahay. Ayon kay Ramos, wala umanong pagtutol ang developer.

Sa pitong buwan na itinagal ng pagpapatayo ng bahay, bukod pa sa panahon na ginugol sa paglalakad ng iba pang kailangang dokumento, wala umanong naging abiso ang developer na may mali sa lugar ng ipinatatayo nilang bahay.

Sinabi ni Ramos na nalaman lang nila na mali ang lote na pinagtayuan nila ng lote nang hingin na nila ang construction bond sa developer dahil tapos na at nakatayo na ang bahay na tinatayang P3.5 milyon ang halaga.

Nanlumo umano si Ramos nang malaman nila na mayroong isang tao na bumili rin ng dalawang lote na magkatabi na tig-96 sqm din ang sukat.

Lumalabas na ang lote na tinayuan ng bahay ng kaniyang kapatid ay nasa lote niya, habang ang bahay niya, naitayo sa isang lote na hindi sa kanila.

Dahil sa nangyari, bakante ang lote ng katabing bahay ni Ramos, at bakante rin ang lote ng kabilang bahagi ng bahay ng kaniyang kapatid. Kaya raw mistulang nagkalayo ang dapat sana'y magkatabing lote ng isa pang nakabili doon ng lupa.

Ayon kay Ramos, naghuhugas-kamay ang developer sa naging pagkakamali gayung dapat sa simula pa lang ay sinabihan na sila kung may mali sa lokasyon ng ginagawa nilang bahay.

Nais umano ng may-ari ng nasagasaan nilang lote na ibenta na sa kanila ang dalawang lote sa halip na isa lang na mali nilang natayuan. Ayon pa kay Ramos, kapansin-pansin umano na mas mahal ang presyo na itinatakda sa mga lote.

Dapat bang mapuwersa sina Ramos na bilhin ang mga lote? At puwede ba nilang kasuhan ang developer na hugas-kamay sa pagkakamali?

Alamin ang payo sa kanila ni Atty. Ian Sia, na nagpaliwanag na maituturing na "builder in good faith" ang OFW kaya hindi ito dapat na masyadong mag-aalala. Puwede rin umanong managot sa kapalpakan ang developer.

Panoorin sa video ang buong talakayan.--FRJ, GMA News