LOS ANGELES - Hinatulang makulong ng 210 na buwan o mahigit 17 taon nitong Lunes (US time) ang dating Fil-Am aktor at decathlete na si David Bunevacz para sa kasong one count of wire fraud at one count of securities fraud.

Pinagbabayad din ni US District Judge Dale S. Fischer si Bunevacz, 53, ng $35,267,851 bilang restitution matapos niyang ma-scam ang mahigit 100 na investor sa kanyang mga kompanya.

Ayon sa court document, nakalikom si Bunevacz ng $45,227,266 mula sa mga investor sa kanyang mga kompanya kabilang na ang CB Holding Group Corp. and Caesarbrutus LLC. Sinabi ni Bunevacz sa mga investor na ang mga nasabing kompanya ay nagma-market ng vape pens na may cannabis products tulad ng CBD oil at THC.

Subalit ginamit ni Bunevacz ang majority ng funds para suportahan ang kanyang magarbong pamumuhay.

Kabilang na dito ang pagbili ng "luxurious" na bahay sa Calabasas, California, pagbili ng mga mamahaling bags, pagbiyahe sa Las Vegas, pagbili ng kabayo at paggastos sa magarbong party ng kanyang anak.

Ani Judge Fischer, “[Bunevacz] preyed on individuals who believed he was their friend”.

Dagdag niya, “the seriousness of [his] conduct cannot be captured in mere dollars and cents.”

Ayon pa kay Judge Fischer, ipinagpatuloy ni Bunevacz ang kanyang scheme habang under probation para sa state court conviction. “Not even a criminal conviction and the threat of jail convinced [Bunevacz] to become a law-abiding citizen," aniya.

Una nang inaresto si Bunevacz noong Abril 5. Nakipagkasundo naman siya sa korte noong July 2022 kung saan naghain ito ng guilty plea sa isang count ng securities fraud at isang kaso ng wire fraud. Bawat isa sa mga ito ay may statutory maximum penalty na 20 taong pagkakakulong.

Para mapabilib ang mga investor, sinabi raw ni Bunevacz na may Chinese manufacturer siya ng mga disposable vape pens at mayroon din siyang nakuhang "raw pesticide-free oil" na pinadala sa isang laboratory na siyang naglagay ng flavors.

Nagpakita rin daw si Bunevacz ng mga pekeng dokumento para masabing successful ang kanyang mga business.

Nag-register din daw ni Bunevacz ng ilang shell companies at itinalaga ang ilang mga indibidwal kabilang ang kanyang stepdaughter bilang corporate officers.

Hindi raw ipinaalam ni Bunevacz sa mga investors ang kanyang felony conviction noong 2017 para sa unlawful sale of securities, ayon sa isang affidavit na na-submit para sa kasong ito.

“The sense of violation, the assault on personal dignity, and the lasting trauma [Bunevacz] has caused are very much reminiscent of the harm typically associated with violent crimes,” ani prosecutors sa sentencing memorandum. “And, with well over a hundred victims, [Bunevacz] caused these harms at a scale rarely seen.”

Ang FBI, Internal Revenue Service Criminal Investigation, at Los Angeles County Sheriff's Department ang siyang nag-imbestiga sa kaso. Tumulong din ang US Securities and Exchange Commission.

Hindi na pinayagan ng korte ang hiling ng abogado ni Bunevacz na pababain ang sentensiya sa aktor dahil sa health condition nito.

Nakatakdang ikulong si Bunevacz sa California State prison.

Dati siyang decathlete ng UCLA at naging miyembro ng Philippine national team. —KG, GMA Integrated News