Pinangaralan ang isang social media practitioner matapos mag-post ng survey tungkol sa love life ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Arnell Ignacio sa opisyal na Facebook page ng ahensya.

Sa survey, tinanong din ang mga overseas Filipino worker (OFWs) kung pabor sila na magkaroon ng love life si Ignacio.

"This young, aggressive social media practitioner was reprimanded already," saad ni Ignacio sa isang punong-balitaan nitong Biyernes.

"It was all in good intention, kaya lang nilagay niya sa official page," dagdag niya.

Sa isang disclaimer sa opisyal na Facebook page ng OWWA, isinaad ng ahensya na ang post ay "erroneously posted" at "appropriate action has been taken."

Kasunod ng insidente, sinabi ni Ignacio na ang grupong namamahala sa Facebook page ng OWWA "is being reorganized."

Bilang isang dating personalidad sa telebisyon, binigyang-diin ni Ignacio ang kahalagahan ng pagbibigay ng tamang impormasyon lalo na't hinahawakan ng OWWA ang mga sensitibong kaso ng mga distressed OFW.

"We have addressed this [mistake]. And when I say we all need the right information, hindi kami exempted roon. Kasali kami roon. That is why took it down already," anang opisyal.

Nanawagan si Ignacio sa publiko na tutukan kung ano ang maaaring maipaglingkod ng OWWA para sa mga OFW at hindi sa tinanggal na post.

"There are more significant things to turn our attention to," ani Ignacio.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News