Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa kaugnay sa ibinebentang overseas employment certificates o OECs sa internet o online dahil peke ang mga ito.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing ginawa ng BI ang babala kasunod ng pagkakaharang sa tatlong Pinoy sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 na pekeng OECs ang dala.

Lumitaw sa pagsisiyasat na nabili online ang naturang OECs. May katulad na insidente rin umano na naiulat sa Clark International Airport.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, madali nilang nalalaman kung peke ang OEC dahil nakikita ito sa kanilang sistema na konektado naman sa data base ng Department of Migrant Workers.

“Using these fake certificates will no longer work,” sabi ng opisyal sa inilabas na pahayag.— FRJ, GMA Integrated News