Dali-daling umuwi ng bansa mula sa Qatar ang isang ina nang malaman niya ang sinapit ng kaniyang 10-taong-gulang na anak sa Pilipinas na natuhog ng dalawang nakausling bakal sa ginagawang bakod sa kanilang lugar.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing lumabas sandali ng kanilang bahay ang batang si Kiel Maniacop kasama ang dalawa niyang pinsan.
Nang pauwi na si Kiel, may nadaanan silang puno ng makopa na kaniyang inakyat upang manguha ng bunga na kaniya sanang ipasasalubong sa kaniyang lola Neng, na nag-aalaga sa kaniyang habang nasa Qatar at nagtatrabaho ang kaniyang ina na si Fhey.
Pero sa kalagitnaan ng pangunguna ng bunga, nabali ang sanga ng puno na dahilan para patalikod na nahulog si Kiel. Bumagsak at natusok ang kaniyang likod sa dalawang bakal na nakausli sa ginagawang bakod na may hallow blocks.
Ang bakal, lumusot sa kaniyang tiyan.
Kaagad na sinaklolohan si Kiel pero hindi siya madala sa ospital dahil hindi siya maaaring hugutin mula sa pagkakatuhog dahil mas maraming dugo ang mawawala sa kaniya, at posibleng ikamatay niya.
Nang mangyari ang aksidente, nakatanggap kaagad ng mensahe ang single parent na si Fhey na nasa Qatar. Ayon kay Fhey hindi niya malaman ang gagawin nang sandaling iyon, at hindi niya rin kaagad matawagan ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Kaagad daw na nagpaalam si Fhey sa kaniyang amo upang makauwi siya sa Pilipinas, at pumayag naman ang mga ito. Sa kaniyang pagbiyahe, hindi na raw malaman ni Fhey kung papaano siya nakauwi dahil sa labis na pag-aalala kay Kiel.
Si Kiel, namumutla na sa kaniyang sitwasyon at dumadaing na nahihirapan na siyang huminga. Pero pinagsasabihan ang bata na huwag matutulog at lakasan ang loob.
Bagaman dumating na ang rescue unit, kinailangan muna nilang pag-isipan kung papaano maiaalis nang ligtas si Kiel sa pagkakatuhog upang maisugod na siya sa ospital.
Maingat nilang tinibag ang hollow block na nakadikit ang bakal upang makakita ng puwang upang malagari ang bakal at maputol ito. Matapos ang halos tatlong oras na pagkakatusok, naputol na ang bakal. Pero hinayaan munang nakatusok pa rin sa katawan ng bata ang parte ng bakal nang dahil siya sa ospital.
Inabot naman ng dalawang oras ang operasyon kay Kiel bago tuluyang natanggal ang mga bakal na nakatusok sa kaniyang katawan.
Bagaman napinsala ng bakal ang atay ni Kiel, mapalad pa rin ang bata na hindi tinamaan ang kaniyang gulugod na maaaring ikaparalisa niya. Nagmintis din ang bakal sa sensitibong ugat na konektado sa kaniyang puso.
Matapos ang operasyon, inilagay sa ICU si Kiel upang mamonitor siya nang husto. Doon na rin siya nakita ni Fhey na nakauwi kaagad ng Pilipinas kinabukasan matapos ang aksidente.
Napag-alaman na Mayo noong nakaraang taon nang mangyari ang aksidente kay Kiel. Ngayon, maayos na ang kalagayan ng bata pero nag-iwan ng mga peklat sa kaniyang katawan ang nangyaring sakuna.
Nagpapasalamat si Kiel sa kaniyang ikalawang buhay.
"Sorry po, makulit po kasi ako. Salamat kasi po natulungan nila ako para mabuhay ulit ako," ani Kiel.
Si Fhey, hindi na muling nagtrabaho sa ibang bansa upang matutukan na ang pag-aalaga sa kaniyang anak.
May pananagutan kaya ang may-ari ng ginagawang bakuran kung saan naaksidente si Kiel?
Ayon kay Atty. Paul Talao, tanging civil case lang ang maaaring maisampang kaso laban sa may-ari ng bakuran upang makahingi ng danyos perwisyo sa sinapit ng bata.
Sinabi naman ni Richard Amurao, Barangay infrastructure construction foreman at safety officer, dapat gumawa ng hakbang ang may-ari ng bakuran para hindi nakakapasok ang mga tao, lalo na ang mga bata, sa isang construction site.
Ang mga bakal na nakausli, dapat binabaluktot muna habang hindi tapos ang konstruksyon upang maiwasan ang sakuna.
Upang magsilbi namang paalala sa pinagdaanan nilang pagsubok sa buhay, itinabi nina Fhey ang dalawang piraso ng bakal na may kasama pang alambre na tumusok kay Kiel.--FRJ, GMA Integrated News
