Masaya ang Pinoy boxing champ na si Nonito "The Filipino Flash" Donaire Jr., matapos niyang makamit ang matagal nang inaasam na Filipino citizenship nang manumpa siya ng katapatan sa Pilipinas na ginawa sa Philippine Consulate General sa San Francisco, USA.

Sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, sinabing ginawa ang panunumpa ni Nonito noong August 14, 2023, sa harap ni Deputy Consul General Raquel Solano, bilang bahagi ni Consul General Neil Ferrer.

Matapos ang Oath of Allegiance, sa ilalim ng Republic Act No. 9225,  "dual citizen" na si Nonito --American citizenship ang isa pa niyang hawak makaraang ma-naturilized dahil sa kanilang lolo na mula sa Hawaii.

“I am very proud and whole now that I have my Philippine citizenship," sabi ni Nonito sa pahayag na isinilang sa Bohol.

Ilang taon na umanong nilalakad ni Nonito na makuha ang kaniyang Filipino citizenship pero hindi nakokompleto ang kailangan niyang mga dokumento.

"With my mom's help, I was able to complete my package of requirements for me to get my Philippine citizenship here at the Philippine Consulate in San Francisco," paliwanag niya.

Ngayon na dual citizen na ng Pilipinas at Amerika, sinabi ni Nonito na mas matagal na siyang mananatili sa Pilipinas para makatulong sa kaniyang mga kababayan.

Kasama ni Nonito nang manumpa sa Philippine Consulate General ang kaniyang kabiyak na si Rachel, at ang dalawa nilang anak, "who also became dual citizens as his derivatives," ayon sa pahayag.

Binati naman ni Solano si Nonito sa pagkuha muli nito ng kaniyang Philippine citizenship. 

"The Filipino nation is very proud of his achievements in boxing and are happy to welcome him back as a Filipino citizen. We wish him well in his future endeavors, especially in his and his wife’s social initiatives to help our kababayans in the Philippines,” anang opisyal.

Ang mga dating natural-born Filipinos na naging naturalized na U.S. citizens ay maaaring mag-apply ng dual citizenship sa Republic Act No. 9225.  Alamin ang detalye sa official website ng konsulado na: https://pcgsanfrancisco.org/dual-citizenship/. --FRJ, GMA Integrated News