Nais ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac na dumaan na sa kagawaran ang pagproseso sa mga seasonal worker sa South Korea makaraan na makatanggap sila ng mga reklamo.

Sa media briefing nitong Biyernes, sinabi ni Cacdac na nakatanggap ang DMW ng nasa 40 reklamo patungkol sa hindi nababayarang sahod at kalagayan nila sa kanilang pinagtatrabahuhan.

“Ang napansin namin, it would really help kung na-document sila ng DMW kasi mas mamo-monitor natin, unang-una, ‘yung kanilang sitwasyon,” anang opisyal.

“And just as important, mas matataguyod natin ‘yung kontrata nila if it will be processed by the DMW, certified, uh, verified by our post, ating labor attache on the post… mas pwedeng kausapin ‘yung local government counterpart in charge ng ating labor attache doon,” dagdag niya.

Ayon kay Cacdac, sa ngayon ay mga lokal na pamahalaan lang ang nagpoproseso sa mga seasonal worker.

“Ang nangyayari parang may LGU arrangement with another LGU in Korea and then may deployments under that arrangement,” paliwanag niya.

“The bottom line here is gusto natin ‘yung seasonal workers in Korea na dumaan sa DMW. Of course, we’re not constraining the LGUs, the respective LGUs to talk to their counterparts in Korea. However, ang gusto sana natin ay ma-process sila sa DMW thereafter,” patuloy ni Cacdac.

Paglilinaw naman ni Cacdac, na legal ang pagtatrabaho ng mga seasonal worker sa Korea.—FRJ, GMA Integrated News