Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang 17 tripolanteng Pilipino sa mga dayuhang sakay ng cargo ship sa Red Sea na tinangay ng rebeldeng Houthis ng Yemen.
"May 17 na Pilipino ayon sa manning agency... kasama iba't ibang dayuhan," sabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkules.
Ayon kay de Vega, tinututukan nilang mabuti ang sitwasyon dahil may posibilidad na may kaugnayan umano ang insidente sa giyera ng Israel at grupong Hamas.
"Nababahala tayo dito. This is not the first time na may na-hostage na ganyan. Meron itong koneksiyon sa giyera ngayon sa Hamas at Israel dahil tinarget nila itong bapor na ito dahil Israeli-owned daw although Japanese 'yung company," sabi ni De Vega.
Umaasa umano DFA sa sinabi ng mga hostage-taker na hindi nila sasaktan ang mga dayuhang bihag.
May pulong na gagawin ngayong Miyerkules ang mga kinauukulang ahensiya, kasama ng Malacañang para talakayin ang naturang usapin, ayon kay De Vega.
Sinabi rin ni De Vega, na ang DFA ang nagsasagawa ng diplomatic representation, at nakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW).
"[The] DFA is working with DMW which has primary jurisdiction over assistance cases involving seafarers. But there is an all of government approach and various government agencies are meeting and working together on this," saad niya.
Inatasan din umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang DFA na gawin ang lahat para matiyak na ligtas ang mga bihag na Pinoy.
“Hindi namin pababayaan ang kanilang kapakanan. The safety of our kababayans abroad is a paramount policy and priority ng ating pamahalaan. Antabayanan ninyo at makakahanap tayo ng paraan na masagip sila,” anang opisyal.
Ang Houthis ay kilalang kaalyado ng Iran, na nagpapakawala naman ng long-range missile at drone laban sa Israel, bilang pakikiisa sa Hamas militants na nakikipaglaban sa mga sundalong Israeli sa Gaza Strip. —FRJ, GMA Integrated News
