Nasawi ang isang Filipino-American state trooper o pulis sa Las Vegas, pati na ang kaniyang kasamahan matapos silang banggaan at takbuhan ng isang sasakyan na lasing ang nagmamaneho sa Interstate 15 sa Nevada, USA noong nakaraang linggo.

Kinilala ang Fil-Am na biktima na si Trooper Alberto Felix, 54-anyos, at ang kaniyang partner na si Sergeant Michael Abbate, 37.

Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, isang nakaparadang sasakyan sa gilid ng highway na nakatulog ang driver ang nilapitan ng dalawang biktima habang nagpapatrolya para alamin ang problema noong madaling araw ng November 30.

Habang sinusuri ng dalawa ang sasakyan, biglang sumulpot ang isang SUV at binangga sina Felix at Abbate.

Tumakas ang salarin at iniwan ang dalawang biktima, na pumanaw matapos madala sa ospital dahil sa matinding pinsala na tinamo sa katawan.

Sa tulong naman ng security cameras, naaresto kinalaunan ang suspek na si Jemarcus Williams, 46-anyos.

Batay sa imbestigasyon, galing sa casino ang suspek at lasing habang nagmamaneho. Sasampahan siya ng patong-patong na kaso.

Isang memorial service naman ang inihahanda ng Nevada State Troopers para kina Felix at Abbate. —FRJ, GMA Integrated News