Para sa mga kaanak ng pinaslang na si Jullebee Ranara, kulang ang 16 na taong pagkakakulong na iginawad ng korte sa menor de edad na salarin sa Kuwait.
"Kung ano yung ginawa, dapat ganoon din po, 'di ba?" sabi ni Joey Marce, asawa ni Jullebee sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes.
Enero 2023 nang matagpuan ang bangkay ni Ranara, 35-anyos na OFW sa isang disyerto sa Kuwait.
Ginahasa, nabuntis, at pinatay ang biktima ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo.
Ayon kay Department of Migrant Workers officer in charge Hans Cacdac, 15 taon ang maximum prison sentence sa Kuwait para sa mga juvenile offender.
Ang dagdag na isang taon na parusa ay para sa pagmamaneho ng akusado nang walang lisensiya.
Ayon kay Cacdac, tutulong ang DMW sa pagsasampa ng civil case para makakuha ng danyos ang pamilya ni Ranara mula sa pamilya ng akusado.
"We will have at least a ten to 14-day period to prepare for this forthcoming. We committed to assist the family in the filing for civil damages which is still part and parcel of the path for justice," sabi ng opisyal.
Hindi pa batid ng DMW ang halaga ng hihinging danyos dahil nakabase umano ito sa batas ng Kuwait.
Nitong Miyerkules, pinagtibay ng appellate court ng Kuwait ang guilty verdict laban sa 17-anyos na akusado.
Iniuwi ang mga labi ni Ranara sa Pilipinas noong January 28, 2023, inilibing siya sa Las Piñas City. —FRJ, GMA Integrated News
