Inaresto ng mga awtoridad sa Raleigh-Durham International Airport sa North Carolina ang isang Pinoy college teacher dahil sa umano'y pagkakasangkot sa child pornography.

Sa isang pahayag, sinabi ng Halifax County Sheriff's Office, na naghihintay ng kaniyang flight patungong Japan ang suspek na si Jestoni Jumaquio Pestaño nitong Sabado nang dakpin siya ng mga tauhan ng Homeland Security at airport police.

Dinala si Pestaño sa Halifax County Sheriff's Office, kung saan isinilbi sa kaniya ang warrant para sa Felony Second Degree Sexual Exploitation of a Minor.

Walang inirekomendang piyansa kay Pestaño na dinala sa Halifax County Detention Center dahil itinuturing siyang "flight risk."

Nakasaad sa pahayag na nitong February 15, 2024, nakatanggap ng impormasyon ang Halifax County Sheriff's Office's Criminal Investigations Division, tungkol sa child pornography na ipinadala sa Halifax County via Instagram patungo sa isang user sa Pilipinas.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, natunton nila ang pinagmulan ng malalaswang larawan ng menor de edad na nagmula sa isang local IP address. Kinalaunan, natukoy bilang suspek si Pestaño, na nagtuturo sa Halifax County Early College.

Naglabas din ng mga search warrant para halughugin ang opisina at bahay ni Pestaño.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad tungkol sa kaso. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News