Handang tulungan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga Pilipino na nasangkot sa kaguluhan sa Thailand, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ulat ni JP Soriano ng GMA Integrated News, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega nitong Miyerkules na hindi pa kinukumpirma ng Philippine Embassy sa Thailand kung may mga Pinoy na nakadetine matapos ang nangyaring kaguluhan na kinasangkutan din ng mga Thai.
"Once may inaresto diyan, we will provide them legal assistance as well," pagtiyak ni De Vega.
Ayon sa ulat ng Bangkok Post, nangyari ang insidente sa harap ng isang hotel sa Soi Sukhumvit 11 sa Wattana district noong Lunes ng gabi.
Aalamin umano ng Thai police kung mayroong visa o legal ang pagtatrabaho doon ng mga Pinoy na nasangkot sa gulo.
Kasabay nito, nagpaalala si De Vega sa mga Pinoy na nasa abroad na sundin ang batas sa bansa na kanilang kinaroroonan.
"This is an opportunity for the DFA to remind our kababayans in Thailand and elsewhere that it is our responsibility to follow local laws and not cause trouble," sabi ng opisyal.
"It is best to avoid problems or conflicts, especially with local citizens, if possible," dagdag pa niya. —FRJ, GMA Integrated News
