Isang Pinay ang kabilang sa limang nasawi sa sunog na naganap sa isang residential building na Sharjah Tower sa Dubai, U.A.E.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing kasama rin ang mister ng Pinay sa 40 tao na nasugatan sa insidente.

Ayon sa Philippine Consulate doon, sinusubaybayan ang kalagayan ng asawa ng Pinay na nasa intensive care unit.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang konsulado ng Pilipinas sa pamilya na naulila ng nasawing Pinay.

May kabuuang 10 Pilipino ang napag-alaman na kabilang sa mga nasugutan, na tinutulungan na umano ng konsulada.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad sa Dubai na suffocation ang ikinasawi ng mga biktima.-- FRJ, GMA Integrated News