Itinaas ng Department of Migrant Workers (DMW) sa P100,000 ang financial assistance para sa mga  distressed overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya.

Batay sa DMW Department Order No. 05 Series of 2024, depende sa sitwasyon ng OFWs at kanilang pamilya ang matatanggap na tulong pinansiyal:

P100,000

  •  para sa kapamilya ng OFWs na pumanaw sa bansa na kaniyang kinaroroonan dahil sa natural o accidental causes
  •  para sa kapamilya ng OFWs na pumanaw sa loob ng isang taon mula nang umuwi sa Pilipinas

P75,000

  •     sa OFWs na may severe/serious illness, injury o mental health condition
  •     sa OFWs na nakaranas ng abuse/exploitation na nagresulta ng kaniyang physical disability, injuries, o mental health condition
  •     sa OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa digmaan, political unrest at/o iba pang extraordinary circumstances
  •     sa kapamilya ng OFWs na nasa death row

P50,000

  •     sa OFWs labis na naapektuhan at/o nawalan ng trabaho dahil sa paghina ng ekonomiya/recession sa bansang kinaroroonan, bankruptcy ng kompanya/employer, involuntary separation mula sa pinapasukan dahil sa retrenchment o downsizing, pagsasara o pagtigil ng operasyon, redundancy
  •     sa OFWs na biktima ng pang-aabuso, pananamantala, minaltrato, o hindi sinunod ang kaniyang kontrata
  •     sa OFWs na biktima ng illegal recruitment o human trafficking
  •     sa OFWs na biktima ng natural calamities sa bansa na kaniyang kinaroroonan
  •     sa kapamilya ng OFWs na nakakulong sa ibang bansa

Una rito, nag-alok ang DMW ng P30,000 hanggang P50,000 na tulong sa OFWs at kanilang pamilya sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund.

Noong Mayo, inatasan ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang DMW na gamitin ang P2.8-billion AKSYON Fund at tulungan ang mga distressed OFWs sa panahon ng global crises at emergencies.

''First, strengthen protection of OFWs by making sure that government will be there during their hour of need," sabi ni Marcos.

Kung kailangan ang naturang tulong, maaaring magsumite ng kanilang kahilingan ang OFWs na may kasamang kaukulang mga dokumento sa tanggapan ng DMW. Kung nasa Pilipinas ang OFW, maaari siyang dumulog sa kagawaran sa loob ng isang taon mula nang dumating siya sa bansa.--FRJ, GMA Integrated News