Animnapu't apat na overstaying Filipinos--kabilang ang isang nagda-dialysis-- ang kasama sa unang grupo ng mga Pinoy ang tinulungang makauwi sa Pilipinas matapos samantalahin ang amnesty program na ipinatutupad ng naturang bansa sa Gitnang Silangan.
Sa isang pahayag, sinabing isinailalim muna sa dialysis ang naturang Pinoy na may kidney failure, isang araw bago ang kanilang biyahe pauwi ng bansa.
Napag-alaman kasama rin sa mga nakauwi ang isang Pinoy na halos anim na taon nang nagtatago sa UAE dahil sa kawalan ng sapat na dokumento.
Ayon kay Alfonso A. Ver, Philippine Ambassador to the UAE, sa naturang bilang ng mga Pinoy na sumailalim sa repatriation, 35 ang mula sa Abu Dhabi at 29 ang mula sa Dubai.
Nakausap ni Ver ang mga Pinoy sa Abu Dhabi, bago ang kanilang biyahe patungo sa Dubai International Airport para sa kanilang flight pauwi ng bansa.
Pinasalamatan ni Ver ang pamahalaan ng UAE sa ginawang pag-waive sa mga multa ng mga overstaying Pinoy bago pauwiin sa Pilipinas.
Maaari umanong bumalik sa UAE ang mga pinaalis ng Pinoy kung makakakuha na sila ng kinauukulang visa sa hinaharap.
Labis ang pasasalamat ng mga Pinoy na makakauwi na sila sa Pilipinas. Kabilang dito ang Pinoy na kidney failure, na doble ang pasasalamat dahil inasikaso rin ang medikal niyang pangangailangan kahit wala siyang legal na dokumento.
Ayon kay Consul General Marford Angeles ng Philippine Consulate General sa Dubai, karamihan sa mga Pinoy na naging overstaying ay mga tumakas mula sa kanilang mga amo at hindi na nakakuha ng kaukulang employment visa sa UAE.
Isa mga ito ay halos anim na taon nang overstaying sa Dubai at walang legal na dokumento para manatili sa naturang bansa.
Isinagawa ang repatriation effort sa ilalim ng “One Country Team UAE” na binubuo ng Philippine Embassy, Consulate General at Migrant Workers Office (MWO).
Pinondohan ang biyahe ng mga OFW ng Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng MWO at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nakasaad sa pahayag na pagkakalooban din ng tulong pinansiyal ng DMW at OWWA ang mga OFW pag-uwi nila sa bansa.
Nagsimula ang amnesty program ng UAE nitong Sept. 1, 2024 at magtatapos sa Oct. 31, 2024.
Sa unang linggo ng implementasyon nito, mahigit 2,000 overstaying Filipinos ang sinamantala ang naturang programa ng UAE.—mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News